SARILI AY SINARILI
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Nobyembre 18, 2010
I
Aking kinausap ang aking sarili,
Inihayag ko ang hindi ko masabi.
Yaring lungkot na aking isinantabi,
Sa kanya ay binanggit at sinabing ikubli.
II
Huwag mo sanang sa iba ay mababanggit,
Bawat kasawian na sa akin ay sumapit.
Kung sino man ang sa iyo ay lalapit,
Ikubli mo ang lihim kong ipinagkait.
III
O aking sarili tayo ay mag-usap,
Maupo ka at sa akin ay humarap.
Ibig ko sanang sa iyo ay ipakiusap,
Dumamay ka sa lungkot kong hinaharap.
IV
Mga luha ko ay natuyo na sa kimkim,
At ang damdamin ko ay nagtago sa dilim.
Pilit kong ikinubli yaring mga lihim,
Luha ay hindi ipinatak maging sa kulimlim.
V
Batid mo bang ang puso ko ay nagdurusa?
Walang sandali na ako ay masaya.
Ako ay tila tinakwil na ng ligaya,
Sa hinagpis ang puso ko ay doon napunta.
VI
Huwag mo sanang sa iba ay masasabi,
Puso ko ay bigo kaya aking ikinubli.
Mga kasawian ko ay marami ang sanhi,
Hinayaan ko at wala akong sinisisi.
VII
Ako ay biguan sa aking mga pangarap,
Talunan sa buhay na aking hinarap.
Kalungkutan ay malimit kong malasap,
Walang nagmamahal maging lumilingap.
VIII
Tanging sa iyo na lamang sumasaya,
Ang pagdamay mo sa akin ay ligaya.
Batid ko na ikaw ay makikiisa,
Ligaya sa akin ay iyong ipadama.
Comentarios