SARILI AY SUPILIN
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
2000
I
Hindi na maibabalik ang nakaraan,
Mga pagkakamali ay dapat na talikuran.
Bagamat ang lahat ay mahirap talikdan,
Sa isang naghahangad mayroong paraan.
II
Mga pangyayaring sa buhay ko ay sumira,
Udyok ng kapalaran ay aking ginawa.
Ako ay umayon sa maling paniniwala,
Buhay ko ay ibinigay sa agos ng tadhana.
III
Sadyang kay lupit nitong aking kasalanan,
Iba't ibang pag-ibig ay aking pinasukan.
Sa pag-aakala kong ito ay aking karapatan,
Puso ay nawasak sa pagiging salawahan.
IV
Pilit kong hinahanap ang hindi ko makita,
Hangad ko ay mahalin ako sa tuwina.
Kasiyahan sa isip ay hindi ko madama,
Diwa'y mapaghanap ng higit sa higit pa.
V
Ako ay sadyang wala ngang kakuntentuhan,
Sa paghahangad ko natunton ay kasawian.
Laging higit sa sobra ang nais kong makamtan,
Kapighatian ay dulot nitong kasakiman.
VI
Ang lahat ay sadyang kay hirap unawain,
Mga pagkakamali ay hindi agad napapansin.
Pagkakataon sana sa akin ay ihain,
Buhay na sinira ay kaya pang ayusin.
Comments