SILID
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Mayo 27, 2008
I
Sa isang silid, sarili ko ay natagpuan,
Yapos ang sarili sa gitna ng kadiliman.
Kahit imulat ang mga mata ay walang naaanigan,
Sapagkat itong liwanag ay dilim ko kung tingnan.
II
Kahit pagsamahin ang lahat ninyong mga bisig,
Ako ay hindi tatayo at sa inyo ay titindig.
Sa silid na nakagisnan ako ay nasa tubig,
Lumulutang at nagpapa-alon kahit na nilalamig.
III
Silid ang siyang sa puso ko ay yumuyupyop,
At ang apat nitong sulok sa akin ay kumukupkop.
Ang kadilimang taglay ay hindi pagdarahop,
Ligaya ay matatamasa sa pagpapasakop.
IV
Minabuti kong magtago sa loob ng silid,
Itong galit at lumbay ay wala sa paligid.
Sarili ay nililinis tinatanggal ang bahid,
Sa silid na madilim ay walang nagmamasid.
V
Aking sinubukan sa silid ay lumabas,
At pinagmasdan ko ang mundong hindi ko namalas.
Mas madilim ang liwanag na umuubos ng lakas,
Sa labas ng silid ligaya ay isang hampas.
VI
Sa silid na nakagisnan ko, ako ay nagbalik,
Sa init nitong yakap, ako ay muling humalik.
Hindi na aalis o sa iba ay mamamanhik,
Sa silid na madilim kay sarap manahimik.
Comments