SIYA ANG TANGING DAAN
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
2007
I
Diyos na nagsugo sa akin ay nagpaliwanag,
Kung bakit sa mundo ay may dilim at liwanag.
Ang patutunguhan ng lahat niyang tinawag,
Sa akin ay sinabi at sa diwa ko ay inihayag.
II
Ako ay itinago niya sa kanyang likuran,
Sapagkat siya ang humarap sa aking kalaban.
Sa pakiusap ko, ako ay kanyang iningatan,
At hindi hinayaang malunod sa kasalanan.
III
Sa landas kong tinatahak ako ay inilawan,
Bawat kong binabaybay ay kanyang tinatanglawan.
Yaring aking mga kamay ay kanyang hinawakan,
Upang hindi matapilok sa aking nilalakaran.
IV
Ang mundo kong ginagalawan ay sakdal dilim,
Iniilawan niya ako kahit na kulimlim.
Iniigatan niya yaring aking damdamin,
At tinuruan akong lahat ay unawain.
V
Daan ko ay Siya, tungo sa tunay na ligaya,
Ikaw o Diyos ang sa akin ay nakakapagpasaya.
Tinutulungan ako sa hirap ko at dusa,
Sa bawat kong paghihirap ay Siya ang kasama.
VI
Siya ang daan nitong aking kapayapaan,
Kaya lahat ng bagay ay aking hinayaan.
Batid kong ang Diyos sa tabi ko ay naririyan,
Ang sumusunod sa kanya ay hindi niya iiwanan.
Comments