SIYA LAMANG
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Marso 11, 2001
I
Lumilipas ang bawat oras,
Nagdaraan ang bawat araw.
Tumatakbo ang panahon,
At ang lahat ay nagbabago.
II
Ngunit itong nasa aking puso,
Ay waring hindi kumukupas.
Patuloy akong nagmamahal ,
Sa nagdaan kong nakalipas.
III
Masakit man para sa akin,
Pag-ibig ay hindi ko naangkin.
Nagdurusa ang aking damdamin,
Dahil pagmamahal ay hindi naging akin.
IV
Walang pagkukulang akong nagawa,
Lahat ng bagay ay aking pinaubaya.
Upang siya ay magkaroon ng laya,
Sarili kong ligaya ay nilimot na sadya.
V
Pinilit kong maintindihan ang lahat,
Kahit na ito ay kanino man nagbuhat.
Nagmamahal ako kahit may bagamat,
Ano man ang dahilan, puso'y 'di maaawat.
VI
Tinanggap ko ang lahat, maging ang kapighatian,
Nilimot ko ang galit, upang ako'y huwag masaktan.
Ginawa ko ang lahat sa isang dahilan,
Pag-ibig ko sa kanya ay aking iniingatan.
VII
Kung ako man ay hindi lumaban,
Ni ipinagtanggol ang aming sumpaan.
Nagsawalang kibo ako sa lahat ng iyan,
Sa pangambang marinig... Ako'y 'di niya kailangan.
VIII
Ganoon pa man ako ay hindi nakakalimot,
Siya pa rin ang langit kong inaabot.
Kung panahon man sa akin ay naging madamot,
Maaaring sa huli, dalangin ko ay itutulot.
IX
Paghihiwalay namin ay hindi ko mawari,
Naganap ang lahat ng walang pasubali.
Namulat na lamang akong isang sawi,
Sa una kong pag-ibig ay hindi ako nagwagi.
X
Tunay ngang nagbabago ang lahat,
Subalit hindi ang sa puso ko ay nagbuhat.
Una kong pag-ibig sa puso ay lumamat,
Dulot ng isang malalim na sugat.
XI
Ang lahat ng bagay ay lumipas na,
Ngunit sa akin ay may naiwang alaala.
Dahil aking itinangi ang nag-iisang siya,
Dito sa puso ko ay hindi na siya mabubura.
XII
Siya lamang…… Ang tangi kong minahal,
Hiniling sa Diyos, dinaan sa dasal.
Inukit ko siya sa puso, kahit na bawal,
Dahil ang katotohanan ay hindi nabubuwal.
Commentaires