SUKDULAN
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Hunyo 26, 2010
I
Ang hangganan ko ay walang hanggan,
Kahit gaano, ako ay walang sukatan.
Lahat ay aking maiintindihan,
Wala akong hindi mauunawaan.
II
Aking inarok ang hindi maabot,
Pilit kong inintindi ang nakakabagot.
Bagamat ang lahat ay nakakayamot,
Puso ko'y binuksan sa mundong madamot.
III
Aking ibinigay yaring pang-unawa,
Kahit mata ko ay pugad na ng luha.
Isipan kong sa lungkot ay hindi makawala,
Pinilit kong ang ligaya ay dito matamasa.
IV
Hindi nasasaid ang aking pang-unawa,
Lahat ay inisip kong ito ay biyaya.
Bagamat ang puso ay bigo sa natamasa,
Tanggap kong lahat ang sa akin ay iniadya.
V
Walang sa damdamin ko ay makakasagad,
Kahit kamatayan sa akin ay igawad.
Itinatak ko sa diwa na ang lahat ay huwad,
Kaya katotohanan ay hindi ko hinangad.
VI
Ako ay nakarating na sa sukdulan,
Wala akong hindi kayang tapatan.
Lungkot at hapis ay kaya kong pakisamahan,
Dahil batid kong ang lahat ay malalampasan.
Comentários