top of page
Search

TAGUBILIN NI INAY

  • Writer: Crisanta N. Cardeño-Reyes
    Crisanta N. Cardeño-Reyes
  • Sep 8, 2020
  • 2 min read

Crisanta N. Cardeño-Reyes

Oktubre 2014

I

Nakalutang sa hangin yaring aking isipan,

Buhat ng ang araw mo inay, papalapit sa kanluran.

Puso'y nadudurog, hinagpis ang tangan-tangan,

Diwa ko at kaluluwa ay nasa dagat at luhaan.

II

Aking isipan sa kalawakan ay nagpahataw hataw,

Puso ko ay naninimdim at hindi makagalaw.

Hininga ko ay napapatid sa dusa at pamamanglaw,

Walang umagang sasapit sa bawat kong araw.

III

Pilit kong ikinukubli ang lungkot ng aking puso,

Nais kong tanging ligaya ang iyong matamo.

Bagamat nadudurog ang puso kong bigo,

Ngiti ko ay nakalantad sa mata mong maamo.

IV

Labis na paninimdim yaring aking nadarama,

Sa tuwing nagugunita na ikaw ay lilisan aking ina.

Pilit ko man unawain, dahilan ay hindi ko makita,

Tangi kong nababatid ay ikaw ang aking ligaya.

V

Lumapit ako sa Diyos at sa kanya ay nakiusap,

Huwag nawang sumapit na pagluluksa ay malasap.

Buhay mong tangan ay dugtungan niyang ganap, 

At ang kamatayan sa iyo nawa'y huwag sumulyap.

VI

Nalalabi kong buhay ay sa iyo ko iniaalay,

Yaring hininga ko ay ikaw nawa ang magtaglay.

Nakiusap sa Diyos, idugtong sa'yo yaring buhay.

Kung ikaw ay lilisan, mundo ko'y wala ng saysay.

VII

Para saan pa yaring buhay kong tangan,

Kung bukas inay ay hindi na kita masisilayan.

Haharapin ko ay isang malupit na kamatayan,

Puso ko ay nadudurog ang hanap ko ay libingan.

VIII

O aking inay huwag mo akong lilisanin,

Nagmamakaawa, kahilingan ko ay iyong dinggin.

Ikaw ang natatanging pangarap ko at bituin,

Nag-iisang ikaw ang yaman kong dinadalangin.

IX

Ako ay humalik sa lupang tungtungan,

Naglumuhod sa Diyos na hiling ko ay pagbigyan.

Na ang buhay mo inay ay kanyang dugtungan,

Puso ko ay tumitibok hanggat ikaw ay naririyan.

X

Sa bawat araw inay, ikaw ay naghahabilin,

Lahat ng bagay sinasalansan ng iyong damdamin.

Tinitiyak mong ang batas mo ay aking susundin,

Dahil aking ikakabuti, bawat mong alituntunin.

XI

May isang kahilingang malimit mong binabanggit,

Pinagdugtong mong pusod sa Diyos ay kumapit.

Kaming supling mo ay ibinubulong mo sa langit,

Na ilayo sa dusa at ang ligaya ay huwag ipagkait.

XII

Ang tanging mithiin nitong iyong puso,

Ingatan yaring buhay na bigay ng nagsugo,

At ang bawat yaman na ginto man o tanso,

Na sa amin ay iiwanan at sa hirap ay hahango.

XIII

Ikaw aking inay ang ginto kong yaman,

Na hindi maitutumbas sa alin mang karangyaan.

Higit pa sa sobra ang pag-ibig mong inilaan,

Damdamin mong iniukit sa puso ko ay karangalan.

XIV

Kung sumapit man ang pagdagsa nitong luha,

At hudyat na sa kalungkutan ay hindi makalaya.

Iyong alalahanin sa puso ko'y 'di ka mawawala,

Anino mo ay dadalhin at itatak sa aking diwa.

XV

Sa aking isipan inay ikaw ay hindi mawawaglit,

Libong taon man ang sa akin ay sumapit.

Ikaw ang nakalarawan nasa puso ko ay nakaukit,

Pagmamahal ko sa iyo ay sa langit ibabanggit.


 
 
 

Recent Posts

See All
SANA MAY BUKAS PA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Setyembre 1990 I Maraming katanungan ang nasa aking puso, Ang pagdapo ng pag-ibig ay hindi ko matanto. Sa...

 
 
SANA AY IKAW NA NGA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Pebrero 1990 I Sabi nila ako daw ay isang hangal, Dahil hindi daw ako marunong magmahal. Hindi nila alam ang...

 
 
AKING AMA AT INA

Crisanta N. Cardeño-Reyes 2007 I Sa simula nitong buhay, kayo ay kaagapay. Sa dusa at hinagpis ko kayo ay karamay. Ako ay inangat sa...

 
 

Comentários


bottom of page