TAMA MAN O MALI
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Oktubre 1990
I
Maraming gulo ang nangyari sa aking buhay,
Mga pangyayaring sa katauhan ko pumatay.
Bagamat ang naganap sa puso ko humimlay,
Umaasa akong may bukas pang naghihintay.
II
Ito ba ang bukas na sa akin ay nakalaan?
Isang munting pag-ibig ang aking nararamdaman.
Nagmamahal ba ako, bakit hindi ko maunawaan?
O tibok na panandalian at agad na lilisan.
III
Hindi man tunay na pag-ibig sa aki'y naghahari,
Sisikapin kong ito ay sa puso ko manatili.
Dahil ang ibig ko ay walang pusong masasawi,
Kaya handog ko ay yaring buhay tama man o mali.
IV
Sana'y 'di nagkamali itong munti kong puso,
Sa hangarin kong walang sino man mabibigo.
Kung makakasakit ako'y mabuti pang magkalayo,
At sa mundo ay tuluyan ng maglaho.
V
Ang pag-ibig para sa akin ay isang Diyos,
Na dapat ingatan at igalang na lubos.
Kung mali man ako sa pagsintang ibinuhos,
Itakwil ako at sa dagat ay ipaagos.
VI
Sana ay wala akong pusoong masusugatan,
O damdaming maaari kong masaktan.
Kung hapdi lang ang aking mailalaan,
Ngayon palang ay tuluyan na akong lilisan.
VII
Tama man o mali ang aking nagawa,
Husgahan ako sa ano mang paniniwala.
Kung kinakailangan ako ay isumpa,
Gawin ang nararapat sa harap ng madla.
Comments