TAMPO
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 2 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Pebrero 02, 2007
I
Iniluwal akong si ama ay hindi nasilayan,
Sapagkat naiwan ako sa ina ng tahanan.
Sabik sa ama itong mura kong kaisipan,
Pumanaw siya ng ako'y nasa sinapupunan.
II
Ako ay lumaki sa piling ng aking ina,
Yaring aking kapatid ang siyang kasa-kasama.
Sa isang iglap ay naiwan akong nag-iisa,
Dahil si inay ay naghanap ng bagong pagsinta.
III
Sa mga pangyayari ako ay sadyang nabigla,
Nasadlak ako sa hindi ko inaakala.
Sa hindi inaasahang kapalarang iniadya,
Sinunod ko ang tibok ng pusong nagwawala.
IV
Sa aking paglisan ako ay hindi hinanap,
Wari bang pagkawala ko'y madaling natanggap.
Sa kadiliman ng gabi ay walang lumilingap,
At ang liwanag ng buwan sa akin'y aandap-andap.
V
Ako nga ay nag-isip at agad na kumilos,
Sapagkat walang pamilyang sa akin ay hahaplos.
Ibinigay ko yaring buhay saan man iagos,
At ang bawat kong araw ay sapat ng makaraos.
VI
Dumating ang araw na sa akin ay sumapit,
Ang hamon nitong buhay sa akin ay hagupit.
Subalit kapalaran ko ay hindi ipinagkait,
Ang tugatog ng tagumpay ay aking nakamit.
VII
Binalikan ko ang binaybay nitong aking mga paa,
Doon ay nakita ko ang daang sanga-sanga.
Buhay ko'y naging masalimuot ng 'di alintana,
Winasak yaring dibdib sa hudyat ng tadhana.
VIII
Kung mayroon sanang pamilyang tumataguyod,
Hindi na kailangan sa kapighatian ay lumuhod.
Dahil may pagmamahal na sa akin ay nakabakod,
Wala man ama, may ina sanang bumubuklod.
IX
Pinatigas ng panahon itong aking puso,
Kaya hindi magawang sa ina ay magsumamo.
At kung sa panahon ang dibdib ko man ay itinago,
Pagmamahal ko sa iyo inay ay hindi maglalaho.
X
Kahit nga ako ay iyo ngang pinabayaan,
Paggalang ko sa iyo ay magpakailanman.
Ako ay hindi kumibo o sa iyo ay nangatwiran,
Sapagkat hindi ko nais na puso mo ay sugatan.
XI
Sa iyong mga supling ikaw ay may itinangi,
At halos lahat sila ay iyo ngang pinili.
Bukod tanging ako ang hindi mo kinandili,
Anak mo rin akong pagmamahal mo ay hinihingi.
XII
Buhok ko ngayon ay pinaputi na ng uban,
Lumipas ang taon at naiwan ang kalooban.
Sa bawat araw, nagdaan man at dumaraan,
Ginawa mo inay, sa akin ay kabiguan.
XIII
Ipinagpatuloy ko ang pagtatanong sa hangin,
Kung bakit akong si bunso'y 'di mo inangkin?
Iyak nitong aking puso'y ayaw mong dinggin,
At ang bawat kong hiyaw ay 'di mo pinapansin.
XIV
Pagtalikod mo sa akin ay hindi ko malilimutan,
Sumira sa diwa ko at puso ko ay sinugatan.
Inaasam ko pa rin na ako ay iyong titingnan,
Kaya marahil ang nakaraan ay hindi matalikdan.
XV
Masdan mo aking ina puso kong naghihirap,
Sabik sa kalingang sa akin ay hindi pinalasap.
May panahon pa upang ako ay iyong ilingap,
Pasabi ka inay ako sa iyo ay haharap.
Comments