TANGING IKAW
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Setyembre 1989
I
Sa tuwina ako ay nalulumbay,
Pakiwari ko sa akin ay walang gumagabay.
Hindi ko makita ang sa akin ay aalalay,
Maging ang liwanag na sa akin ay papatnubay.
II
Kay gulo nitong aking daigdig,
Wari bang sa paligid ko'y walang pag-ibig.
Nadarama kong lungkot at ligalig,
Ay bunga ng kawalan ko ng himig.
III
Sa aking pag-iisip si Hesus ay nakita,
Tanging siya ang sa ligaya ay nagpakilala.
Sa akin ay itinuro niya ang magmahal sa iba,
Upang ang tunay na saya ay aking madama.
IV
Tanging ikaw Hesus ang aking pag-asa,
Nag-iisang ligayang malimit kong kasama.
Sa hirap at dusa na aking nadama,
Ay pinawi ng saya, sapagkat ikaw ay kaisa.
V
Tanging ikaw Hesus ang aking ligaya,
Walang makakapantay kapag kasama kita.
Sa bawat kong pag-iisa ay ikaw ang nakikita,
Walang isang saglit na ako ay nag-isa.
VI
Wala ng lumbay sa aking paligid,
Sapagkat pag-ibig mo ay aking nabatid.
Ang puso natin ay binigkis mo ng lubid,
Upang ang luha ko ay madali mong mapahid.
Comments