TAO LAMANG
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Marso 2000
I
Napakahirap ang habulin ng kahapon,
Mga alaalang hindi puwedeng itapon.
Kahit na pilitin na huwag nang lumingon,
Hindi maitatago ang karugtong ng ngayon.
II
Gustuhin ko man na ito ay kalimutan,
At tuluyan ng sa mundo ay talikuran.
Anino ito na kay hirap iwasan,
Dumudurog sa puso, hanggang sa kaibuturan.
III
Mga kasalanang hindi ko sinasadya,
Pagkakamali ko na kay hirap itama.
Sumusugat sa puso at nagpapaluha,
Gumugulo sa isip ko't nakasisira ng diwa.
IV
Tao lamang akong nagkakamali,
Nasusugatan at sumasawi.
Bawat nagawa ko'y dinala ng budhi,
Pagsisihan ko man ay kay hirap na bumawi.
V
Ako sa inyo ay nakikiusap,
Kabiguan nawa ay huwag nang malasap.
Natatakot akong puso ay maghirap,
Dusa sa kahapon ay huwag nawang makaharap.
VI
Damdamin ko nawa ay isaalang-alang,
Ipadama sa akin ang konting paggalang.
Kahit na ako sa inyo ay may pagkukulang,
Sana ay maunawaan na ako ay tao lamang.
Comentários