TAPUSIN ANG KAHAPON
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Agosto 1991
I
Sa aking kahapon ay doon ako nasaktan,
Kaya pilit na tumakas sa mga nagdaan.
Hindi ko akalaing dalamhati ang kahahantungan,
Puso ko'y nagdamdam, hanggang sa kasalukuyan.
II
Patuloy na bumabalik ang lahat ng kahapon,
Hindi ko magagawang tanggapin muli ngayon.
Sinisikap kong talikuran ang bawat pagkakataon,
Kahit pag-ibig pa ang sa akin ay humahamon.
III
Sana noon pa ay kinalimutan na kita,
Upang ang puso ko ay hindi na nagdusa.
Kung mali man ang panahon na ating pinagsama,
Sapat na ang kahapong minahal kita.
IV
Ang pagkabigo ay hindi madaling tanggapin,
Dahil ito ay bumabaon sa puso ko at damdamin.
Subalit kung ito ay inilaan sa akin,
Milyong hapdi man ay kaya kong harapin.
V
Bagamat ang lahat ay aking matatanggap,
May isang kahapon na ayaw kong makaharap.
Ito ay ang pag-ibig na dati kong pinangarap,
Sapagkat pawang sakit ang sa akin ay pinalasap.
VI
Ang aking hiling, ang kahapon ay tapusin,
Lahat ng noon sa akin ay huwag nang banggitin.
Ibig kong lumayo sa dating damdamin,
Kaya ang kahapon ko ay pilit kong lilimutin.
Comments