TATLONG PAG-IBIG SA IISANG PUSO
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 2 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Pebrero 1990
I
Maraming pag-ibig ang sa aking puso ay dumaan,
At ang lahat sa kanila ay pawang bulaan.
Bagamat ang pag-ibig nila sa aki'y 'di huwaran,
Sinikap ko pa rin puso nila ay huwag masaktan.
II
Ano pa ang halaga nitong aking pag-ibig?
Kung ang nag-iisa kong puso ay may ligalig,
Tanging sa Diyos ng pag-ibig ako nananalig,
Nawa ay makaya ko ang hatol nitong daigdig.
III
Sa kauna-unahang pag-ibig ako ay bigo,
Sapagkat puso kong mapagmahal ay nabilanggo.
Hindi ko akalain na siya ay mapagbalatkayo,
Pinilit ko pa rin yaring puso na huwag sumuko.
IV
Baligtarin ko man ang mundong kinagagalawan,
Hindi ko matanggap na siya ay aking hinangaan.
Sapagkat dito sa aking puso ay nag-aalinlangan,
Ang katotohanan na kay hirap maunawaan.
V
Hindi ko akalain na siya sa akin ay lalayo,
Mga winika niya sa akin ay pawang mga biro.
Humanap siya ng iba at bagong pagsuyo,
At sa akin ay tuluyan na siyang nagtago.
VI
Ngunit hindi ko tinakasan ang ano mang sakit,
Na dulot nitong kanyang pusong sadyang malupit.
Kinaya kong mag-isa, abot hanggang sa langit,
Ang ipinadama niyang walang kasing pait.
VII
Binuksan ko muli itong madugo kong puso,
Na sa pangalawang pag-ibig sa akin ay hahango.
Dito sa mundo ay akin muling napagtanto,
Ang tunay na pag-ibig ay walang halong biro.
VIII
Ngunit aking tinakasan ang lahat ng ito,
Upang siya ay lumayo at tuluyang magbago.
Ibig kong makamtan niya ang bagong pagsuyo,
Upang sa dambana ay tuluyan na siyang magtungo.
IX
Marami ng panahon ang sa akin ay lumipas,
Ikatlong pag-ibig ang sa puso ko ay bumukas,
At dito ay nadama ko ang pag-ibig na wagas,
Ngunit kasalanan at maaaring kumupas.
X
Sapagkat siya ay nakabilanggo sa ibang puso,
Kaya hindi ko kayang siya sa akin ay hahango.
Sa panahong pinagsama ay aking napagtanto,
Pag-irog niya sa akin ay walang halong biro.
XI
Wala akong nagawa kundi ang lumayo,
At sa Diyos ng pag-ibig ako nagtungo.
Kahit mahal ko ay akin na lang itinago.
Upang ang madilim kong kahapon ay mahango.
XII
Muling nagbalik ang nagdulot sa akin ng pait,
Tinanggap ko siya sa una niyang paglapit.
Dahil mahal ko pa rin ang puso niyang malupit,
Kaya magtitiis ako, abot hanggang langit.
Comments