TINGNAN MO
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Disyembre 20, 2006
I
Bakit ang layu-layo mo, gayong andiriyan ka?
Malimit ay tinatawag kita sa tuwina.
Hindi mo ba naririnig ang bawat kong salita?
Na paulit-ulit na waring isang kanta.
II
Hindi mo ba nakikita ako ay nasa harapan?
O ikaw ay sadyang nagbubulag-bulagan.
Huwag mong isipin na wala kang kabuluhan,
Tingnan mo ako at ikaw ay aking titingnan.
III
Ang iyong pagkatao ay mayroong mahalaga,
Huwag mong ilayo ang sarili mo sa iba.
Ipadama at ipakita na andiriyan ka,
Upang sa iyo ay may magmahal sa tuwina.
IV
Huwag mong itago ang damdamin at sarili,
Ilahad mo at ilantad ang nakakubli.
Ang iyong damdamin ay huwag isantabi,
Sapagkat ang magmahal ay nakakawili.
V
Likas na masarap ang mayroong karamay,
Sa dusa at ligaya sa iyo ay may dadamay.
Huwag mong sikapin na ikaw ay humiwalay,
Dahil mahirap ang walang kakapit kamay.
VI
Tunay na masaya ang mayroong kasama,
Sapagkat masarap sa puso ang tumawa.
Sa mundong ito mahirap ang nag-iisa,
Tingnan mo ako at titingnan din lagi kita.
留言