TINIG NG PUSO
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Oktubre 1991
I
Napakinggan ko ang isang malakas na tinig,
Wari bang isang pusong may ibig iparinig.
Nais isigaw yaring lumiligalig,
Ang katotohanang na siya ay umiibig.
II
Binulabog ako ng kanyang pagtawag,
May hinihiling siyang hindi maipaliwanag.
Natatakot siya at ngayon ay naduduwag,
Ang kahihinatnan ba ay dilim o liwanag?
III
Naramdaman na niya kung paano ang masawi,
Kaya ang tama ay pilit niyang minamali.
Ngunit hindi mapipigil bigkasin ng labi,
Na ang pag-ibig ko ang pangarap niya at mithi.
IV
Bagamat sa puso ay mayroon ng nangyari,
Pag-ibig pa rin ang sa kanya ay mananatili.
Kahit may sugat ay iibig siyang muli,
Panahon lamang ang maaaring bumawi.
V
Huwag sanang magsara pinto ng puso,
At huwag hayaan ang pag-ibig ay maglaho.
Hindi ko ninasa ang ikaw ay mabigo,
Umalis lang ako ngunit hindi lumayo.
VI
Itong aking puso ay muling nagbabalik,
Ang nagtampong tinig ay ibig kong marinig.
Manumbalik nawa dati niyang halik,
Nais kong maramdaman ang dampi ng pag-ibig.
Commentaires