TUNAY NA PAG-IBIG
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
1992
I
Ngayon ay nadarama ko ang wagas na pag-ibig,
At sa aking puso ay wala ng ligalig.
Sapagkat puso ko ay muli uling pumintig,
Sa pagkakataong dulot ng daigdig.
II
Buong akala ko ay wala ng umpisa,
Puso kong nasaktan sa unang pagsinta.
Sa aking palagay ang lahat ay tapos na,
Kaya ang puso ay kinulong at hindi na umasa.
III
Lahat ng paniniwala ko ay nagbago,
Nang sa buhay ko ay may biglang humango.
Sa kapighatian ang puso ko ay inilayo,
Nitong pagsintang sa akin ay nanunuyo.
IV
Tunay na pag-ibig, huli man kung dumating,
Pusong nagdadamdam ay kayang amuin.
Ang bawat pasakit ay hindi papansinin,
Ganyan ang wagas at tunay na pagtingin.
V
Agad na naiwawaksi ang lumipas,
Kahit sabihin pang may naiwang bakas.
Bawat hapdi ay laging mayroong lunas,
Ang tunay na pag-ibig ay sadyang wagas.
VI
Tunay na pag-ibig ay may kapayapaan,
Ang bawat hilahil ay kayang paglabanan.
Pusong nalulumbay ay kayang hawakan,
At yaring pagsinta ay may paninindigan.
Kommentare