UNANG PAG-IBIG
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 2 min read
Pebrero 13, 2006
I
Isang pagtatagpong wari bang itinakda,
Sa unang pagkikita ay hindi inakala.
At sa bawat tawanan na ating ginawa,
Ito pala ay hudyat ng bagong simula.
II
Sa bawat sandali, kita ay hinahanap,
Yaring puso ay may hiwagang nalalasap.
Wari bang ikaw ang nag-iisang pangarap,
Dito sa puso ko ay kabuuan kang ganap.
III
Nagsimula ang lahat sa pagkakaibigan,
Akala ko ay dito lamang ang pagtitinginan.
Lalawig pala ito at tutungo kung saan,
Namalayan ko na lamang ika'y kalambingan.
IV
Malalim na salita ay hindi ko mawari,
Basta ang alam ko ay pag-ibig ang naghahari.
Bagamat hindi mabigkas nitong mga labi,
Damhin mo ang pag-ibig na hindi mahahawi.
V
Sa puso ko ay labis kitang itinangi,
Kahit pagmamahal ko ay naiwan sa labi.
Ikaw ang sa puso ko ang tanging nagwagi,
Walang sino man ang maaaring bumawi.
VI
Isang pagmamahal na sadyang walang wakas,
Inilaan ko sa iyo ang pag-ibig na wagas.
Hindi mababago buhay ko man ay maagnas,
Unang pag-ibig sa puso ay hindi kumukupas.
VII
Isang kabiguan ang sa iyo ay nalasap,
Tinakasan mo ako at sa iba ka lumingap.
Sadya ngang ikaw ay tunay na nagpapanggap,
Biniro mo ako at binigo sa pangarap.
VIII
Sa iyong paglayo, ako ay hindi nasaktan,
Sapagkat hangad ko ang iyong kalayaan.
Kung tunay man ako ay hindi mo kailangan,
Makalalayo ka sa iyong kapakanan.
IX
Ang tanging nasira ay ang aking pangarap,
Makasama ka at sa dambana ay makaharap.
Yaring puso ko ay pighati ang nalasap,
Ngunit hindi ako bigo sa bawat naganap.
X
Itong aking puso ay walang kasing tibay,
Bagyo man o alon, ako ay hindi patatangay.
Laman ka man nitong puso kong tinataglay,
Hindi kita ipaglalaban hanggang mamatay.
XI
Hihintayin ko ang muli tayong magtagpo,
Ibabalik ko ang lambing nitong pagsuyo.
Patutunayan kong ako ay hindi bigo,
Daan ng pagbabalik ang iyong paglayo.
XII
Ang unang pag-ibig sa puso ay walang wakas,
Sa bawat hapdi ay laging mayroong lunas.
Yaring galit sa puso ay lumilipas,
Ngunit hindi ang pagsintang hindi kumukupas.
Comments