WALANG HANGGANG PAG-IBIG
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Enero 1990
I
Ang dakilang pag-ibig ay walang katapusan,
Sa bawat sandali ay pawang katotohanan.
Hindi kayang pantayan ng kahit alin man,
Wagas na pag-ibig ay hanggang sa kamatayan.
II
Dito sa mundo ay wala pang nakadarama,
Nang ganitong pag-ibig tunay at naiiba.
Ang pusong dakila ay sadyang mapagpaubaya,
Sa kanyang minamahal ay handa siyang mawala.
III
Ang ibang pag-ibig ay sadyang mapagkunwari,
Ninanais lamang ay ang sarili nilang mithi.
Paghihirap ng ibang puso ay kaya ng budhi,
Sapagkat ganitong pag-ibig ay walang uri.
IV
Ang tunay na pag-ibig ay hindi pumapanaw,
Sa pagsuyo at lambing ay hindi mapangibabaw.
Ang ganitong pag-ibig ay hanggang langit daw,
At dito sa ating mundo ay dapat mangibabaw.
V
Ang tapat na pag-ibig ay sadyang matiisin,
Sa ikasisiya ng iba ay hindi pipigilin.
Hangad lamang niya ay tunay na kaligayahan,
Upang ihandog sa pusong nangangailangan.
VI
Salitang pag-ibig ay kay raming kahulugan,
At dito sa mundo ay dapat natin pag-aralan.
Huwag sanang pabayaan na ang puso'y masaktan,
Nawa ang pag-ibig ay bigyang kahalagahan.
VII
Ano kaya ang halaga nitong ating buhay,
Kung ang ating pag-ibig ay wala namang saysay?
Munting puso ay makahulugan at makulay,
Kung itong ating pagsinta ay wagas at dalisay.
VIII
Ang lahat ng bagay ay mayroong hangganan,
Kahit itong buhay ay mayroon din katapusan.
Ngunit ang pag-ibig ay hanggang sa magpakailanman,
Sapagkat ito ay banal at walang kamatayan.
Комментарии